5-Time SGLG Awardee



“Sa aking mga kababayan, para sa inyo po ang awards na ito na ating natatanggap, gayundin sa aking mga kasama. Para sa inyong lahat ito. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi tayo mapapabilang sa mga tumatanggap ng Seal of Good Local Governance Award.” - Mayor Lourdes S. Cataquiz

Ang Lungsod ng San Pedro, sa pamumuno ni Mayor Lourdes S. Cataquiz ay limang sunod-sunod na taon nang nakakatanggap ng Seal of Good Local Governance Award mula sa DILG. Ang Seal of Good Local Governance o SGLG Award ay isa sa mga programa ng DILG upang mabigyan pagkilala ang mga Pamahalaang Lokal para sa kanilang katapatan at kahusayan. Ang pagkapanalo ng Lungsod ng San Pedro ng SGLG Award noong 2015, 2016, 2017, 2018 at 2019 ay patunay lamang na lubos ang pagkilala sa Pamahalaang Lungsod dahil sa mahusay at matapat na pamamahala at epektibong serbisyo para sa buong Lungsod.

Mayroong 7 criteria na sinusunod upang masigurong ang mga bayan at lungsod na gagawaran ay nagpapakita ng mahusay at tapat na pamamahala. Ang mga criteria na ito ay: 1. Financial Administration and Sustainability; 2. Disaster Preparedness; 3. Social Protection and Sensitivity; 4. Business Friendliness and Competitiveness; 5. Peace and Order; 6. Environmental Protection and Management; at 7. Tourism, Culture, and Arts.

Ang mga bayan at lungsod na ginagawaran ng SGLG ay nakakatanggap din ng kaukulang gantimpala na tinatawag na Performance Challenge Fund o PCF. Ito ay isang support fund na naglalayong suportahan ang mga inisiyatibo at development programs na magsusulong sa mga plano ng Pamahalaan. Sa pamamagitan ng PCF, ang Lungsod ng San Pedro ay matagumpay na nakapagsagawa ng rehabilitation at construction ng Tulay sa Purok 7 sa Brgy. Landayan noong 2015. Nakabili naman noong 2016 ng 2 dump trucks para sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at 2 Patrol Cars at 5 motorsiklo para naman sa Public Safety and Security Office naman noong 2017. Nakapagpatayo din ng slope protection sa Brgy. Landayan mula sa PCF noong 2018. Noong 2019 naman ay nakabili ng man lift o boom lift para sa City Engineering Office. Pansamantala namang natigil noong 2020 at 2021 ang SGLG Awards dahil sa COVID-19.

Sa pagbabalik ng SGLG Awards ngayong taon, hangad ng Pamahalaang Lungsod na muling mapabilang ang San Pedro sa mga paparangalan bilang isang matino, matapat at mahusay na lungsod sa ika-anim na pagkakataon.

Magandang San Pedro po!