Mayor Lourdes S. Cataquiz, Christmas Message


Magandang San Pedro Po!

Mga minamahal kong kababayan, dumating na naman ang panahong pinakahihintay ng Sambayanang Pilipino-- ang panahon ng kapaskuhan. Bagamat hindi pa rin natatapos ang banta ng pandemya, alam ko po na excited pa rin ang bawat isa na ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesu Kristo. Sa kabila nito, ako po ay nagpapaalala sa inyong lahat na umiwas na muna tayo sa pagdaraos ng mga pagtitipong tiyak na lalabag sa mga batas na ipinapatupad ng ating gobyerno. Kasabay na rito ang paalala na patuloy nating sundin ang mga health protocols katulad ng tamang pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang paghuhugas ng kamay, at pagpapanatili ng physical distancing.

Gawin na lamang po nating payak o simple ang bawat pagdiriwang, kapiling ang ating pamilya sa loob ng bahay. Sa pagkakataong ito, nais ko pong ipabatid sa inyong lahat na huwag po tayong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga trahedya na bumabalot sa ating lipunan. Hiling ko na mangibabaw sa puso ng bawat isa ang mga ilaw na sumisimbolo sa ligayang dulot ng kapaskuhan.

Sa ngalan ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro at ng aking pamilya, dalangin ko po na manatili ang pagmamahalan at pagbibigayan ngayong Pasko. At sa darating na Bagong Taon, dalangin ko rin na mangibabaw ang pag-asa at pagkakaisa sa tulong ni Hesu Kristo na ating Panginoon.

Muli po, MERRY CHRISTMAS AND HAPPY NEW YEAR!

-Mayor Lourdes S. Cataquiz

© 2023

City of San Pedro, Laguna

Website Admin.